Ang Epekto ng Social Media sa Paglaganap at Pagbabago ng Wikang Filipino


"Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay higit pa sa hayop at malansang isda” Dr. Jose Rizal

      

Ang pahayag na ito ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal ay nananatiling makahulugan lalo na sa makabagong panahon kung saan ang social media ang dahilan sa pagbabago at paglaganap ng wikang Filipino. Sa Pilipinas, hindi na maikakaila ang kapangyarihan ng social media bilang bahagi ng araw-araw na pamumuhay ng bawat isa. Batay sa ulat ni Simon Kemp sa  Digital 2025: The Philippines (2025), mahigit 90 milyong Pilipino o halos 78% ng populasyon ang aktibong gumagamit ng Facebook, TikTok, YouTube, at X (Twitter). Dahil dito, naging pangunahing daluyan ito ng komunikasyon at pagkakakilanlan ng mga Pilipino. Ayon kay Chika Obiageli Ezeudo (2024), malaki ang epekto nito sa wika: lumilitaw ang mga bagong bokabularyo, daglat, at acronym, habang pinapasimple ang gramatika at sintaks. Higit pa rito, nakatutulong din ito sa pagpapalaganap ng wikang Filipino sa mas malawak na saklaw ng lipunan. Layunin ng blog na ito na maipaliwanag kung sa paanong paraan nakakaapekto ang social media sa ating pananalita at paggamit ng wika. Subalit sa gitna ng mga pagbabagong dulot nito, nararapat bang ituring ang social media bilang katuwang sa pag-unlad ng wikang Filipino o bilang banta sa pagiging dalisay at makasaysayan nito? 


Sa katunayan, kabilang ang Pilipinas sa mga bansang may pinakamahabang oras ng paggamit ng social media, na umaabot sa tatlong oras at tatlumpu’t walong minuto kada araw, higit na mataas kaysa sa pandaigdigang average na dalawang oras at dalawampu’t tatlong minuto (DataReportal, 2025). Dahil dito, nagiging mas accessible ang wikang Filipino sa mga kabataan at sa mga nasa malalayong rehiyon, at mas napapalapit sila sa pambansang identidad sa kabila ng pagkakaiba ng kanilang kinagisnang wika o diyalekto (Kadek et al., 2021). Malinaw na ang social media ay hindi lamang instrumento ng komunikasyon kundi isang malaking impluwensya na nagtataguyod ng pag-unlad ng lipunan at kultura.
 
Kasabay ng lumalawak na paggamit ng social media, nagsimulang umusbong ang iba’t ibang anyo ng wikang Filipino na makikita sa araw-araw na pakikipagkomunikasyon ng mga netizen. Halimbawa na rito ang mga salitang “lodi” (mula sa salitang idol), “jejemon” (natatanging anyo ng pagsusulat gamit ang kombinasyon ng letra at numero), at maging ang pinaikling Ingles na termino gaya ng “lol” (laugh out loud) at “omg” (oh my god). Bukod pa dito, ayon sa isang pag-aaral, mas pinipili ng 55.76% ng mga mag-aaral sa kolehiyo ang paggamit ng Taglish kapag nakikipag-usap sa kanilang mga guro sa labas ng klase, kumpara sa 37.74% na gumagamit ng purong Filipino (Journal of Positive School Psychology, 2022). Malinaw na ang Taglish ay nagsisilbing tulay para mas maging mabilis, magaan, at natural ang pakikipag-usap. Subalit, hindi maikakaila na nagdudulot din ito ng pagbabago sa estruktura ng tradisyonal na Filipino (Fajutag, 2024). Sa isang banda, ipinapakita nito na ang wika ay buhay at patuloy na umaangkop sa teknolohiya at sa kultura ng makabagong henerasyon. Ngunit sa kabilang banda, may panganib din na unti-unting mawawala ang malalim na bokabularyo at pormal na gamit ng Filipino na mahalaga sa akademikong diskurso at pananaliksik.
 
Bukod dito, ang patuloy na pagbabago ng wika sa social media ay nagpapakita ng malinaw na ugnayan sa pagitan ng teknolohiya at kultura. Ayon sa isang pag-aaral ng Cultural Research Center of the Philippines (2023), 85% ng mga sumagot sa survey ang nagsabing Pilipino pa rin ang kanilang pakiramdam kahit gumagamit sila ng mga makabagong paraan ng pagsasalita. Ipinakikita ng resulta na ito na ang mga pagbabago sa wika ay hindi nagpapahina ng ating pagka-Pilipino. Sa halip, ipinapakita nito na kayang umangkop ng mga Pilipino at ipasa ang kultura sa bagong henerasyon. Ayon kay Garcia (2023), ang paglitaw ng mga halo-halong wika tulad ng Taglish at mga bagong salita ay nagpapakita ng aktibong palitan ng kultura. Dito, nagtatagpo ang tradisyon at modernong panahon para lumikha ng mga bagong paraan ng pagpapahayag na angkop sa digital na panahon. Ipinakikita ng pangyayaring ito na ang wika ay hindi nananatiling pare-pareho. Ito ay parang buhay na bagay na patuloy na nagbabago ayon sa pangangailangan ng lipunan at sa pag-unlad ng ating kultural na pagkakakilanlan.
 

Sa huli, napagtanto ng aming grupo na ang wikang Filipino ay patuloy na nagbabago kasabay ng mabilis na pag-unlad ng teknolohiya. Malaki ang impluwensya ng globalisasyon, social media, makabagong tradisyon at iba’t ibang pananaw sa pagbabagong ito. Naging malinaw sa amin na ang social media ay nagsisilbing tulay upang mapabilis ang komunikasyon at higit na mapalaganap ang paggamit ng Filipino. Gayunpaman, nakita  rin namin ang panganib na dala nito tulad ng unti-unting pagkawala ng lalim at pormalidad ng ating wika kung hindi ito gamitin ng tama. Kaya mahalaga na maging responsable tayo sa paggamit ng social media sa pamamagitan ng paggamit nito upang maging daluyan ng tama at beripikadong impormasyon at paniniwala sa mga impormasyong galing lamang sa mga mapagkakatiwalaang mga sanggunian. Sa ganitong paraan, hindi lamang natin nakikita ang pagbabago kundi naipapakita rin ang pagpapahalaga natin sa wika. Sa kabila ng lahat ng pagbabago ng panahon, nasa atin pa rin ang tungkulin at kapangyarihang ingatan, payabungin, at ipagmalaki ang wikang Filipino.

 

 

 



Mga Komento